Isang Linggo ang ''Tigil-Pasada'' ng ilang driver at operator ng jeepney bilang pagtutol sa Jeepney Phaseout
Simula March 06, 2023 hanggang March 12, 2023 magsasagawa ang ilang transport group ng tigil-pasada bilang pagprotesta sa jeepney phaseout.
Kasama sa tigil-pasada ang halos lahat ng kanilang mga miyembro ng jeep at UV Express sa National Capital Region at Region 3.
Sinabi ni Mar Balbuena ng Manibela, nasa 40,000 unit ng traditional jeepney at UV express ang inaasahang lalahok sa tigil-pasada sa NCR.
Hiling nila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), pakinggan sila sa hinaing na pagtutol sa modernization program kung saan itinatakda na mayroon na lamang hanggang Hunyo 30 ang kanilang prangkisa kung hindi tutugon sa naturang programa.
Giit ng grupo, posibleng humaba pa ang transport strike kung hindi sila pakikinggan ng LTFRB.
Umaapela si Transportation Secretary Jaime Bautista sa transport groups na makipagdiyalogo muna upang pag-usapan ang ilang isyu, bago ituloy ang binabalak na week-long transport str!ke, simula ika-6 ng Marso.
Ayon sa kalihim, mahalaga na mapakinggan ang kapwa panig ng pamahalaan at transport group kaugnay sa usapin ng Public Utility Jeepney (PUJ) Modernization Program.
“You know siguro dapat pag-isipan nating mabuti ‘yung pag-stop ng operations. Dapat mag-usap-usap muna. Let’s understand what the issues are kasi baka hindi tayo nagkakaintindihan,” — Secretary Bautista.
Ayon sa kalihim, inatasan na niya ang isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na makipag-ugnayan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at operators, lalo at tila hindi aniya nagkaroon ng representante ang DOTr sa mga naganap na diskusyon, upang maliwanagan ang anomang issue.
“So I have already instructed the Undersecretary for Road Sector to coordinate with the LTFRB and with the operators,” — Secretary Bautista.
Kaugnay nito, muling ipinunto ng kalihim na walang magiging phase out ng mga tradisyunal na jeep sa mga lugar na hirap pang makatalima ang mga driversat operators sa programa.
“Iyong phase out mangyayari iyan sa areas na halos na-implement na ang modernization program, pero doon sa mga areas na alam naman natin talagang mahirap kaagad kumuha ng mga bagong equipment ay bibigyan natin ng pagkakataon ‘yung mga operator na mag-join muna doon sa mga cooperatives na mag-consolidate para matulungan din sila na makakuha ng mga bagong equipment,” —Secretary Bautista. | ulat ni Racquel Bayan
No comments